Umaabot na sa mahigit 11.6 milyon ang mga estudyanteng nagpatala para sa School Year 2022-2023, ayon sa Department of Education (DepEd).
Batay sa huling datos mula sa Learner Information System (LIS) para sa SY 2022-2023 nitong Agosto 1, 2022, 7:00 AM, nabatid na umabot na sa kabuuang 11,663,325 ang bilang ng mga nagparehistro na mga mag-aaral mula nitong Hulyo 25 para sa darating na taong panuruan.
Anang DepEd, sa naturang bilang, 773,700 ang nagpatala para sa kindergarten; 5,440,980 ang nagpatala para sa elementarya; 3,722,367 ang nagpatala sa junior high school at 1,726,278 naman ang nagpatala para sa senior high school.
Pinakamarami naman anila ang nakapagpatala sa Region IV-A na umabot sa 1,819,467, kasunod nito ang National Capital Region (NCR) na nasa 1,531,374, at Region III na may 1,178,813 enrollees habang pinakakaunti ang enrollees sa Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa 85,808 pa lamang.
Ayon sa DepEd, magpapatuloy pa ang enrollment period hanggang sa Agosto 22, 2022, na siyang unang araw rin ng pasukan.
“Tandaan na mayroon tayong tatlong pamamaraan sa pagpapatala: in-person, remote, at dropbox enrollment,” anang DepEd.“Dagdag pa rito, ang ating mga Alternative Learning System (ALS) learners ay maaari na ring magpatala nang in-person o digital.”
Nagpaalala rin ang DepEd na sa pagpunta sa mga paaralan, dapat na panatilihin ang proteksyon ng bawat isa at huwag kalimutang sundin ang mga health and safety protocols na ipinaiiral ng pamahalaan laban sa COVID-19 at monkeypox virus.
Una nang sinabi ng DepEd na maaari na ring magpatupad ng blended learning at full distance learning ang mga paaralan sa bansa hanggang sa Oktubre 31, 2022 habang pagsapit naman ng Nobyembre 2 ay kinakailangang nagdaraos na sila ng limang araw na face-to-face classes.