Naglabas din ng pahayag ang direktor ng "Maid in Malacañang" na si Darryl Yap matapos ang naging pahayag ni Sister Mary Melanie Costillas ng Carmelite Monastery sa Mabolo, Cebu, tungkol sa isang eksena na nakikipag-mahjong umano si dating Pangulong Cory Aquino sa mga madre.
"Tungkol po sa point ni Monsignor [Joseph] Tan at ng Carmelite Nuns, na hindi ko po sila kinunsulta sa eksena-- hindi ko po kasi naisip na kailangan," pahayag ni Yap.
"Gaya po ng sinabi nila, hindi naman po nakabrown, at walang binanggit na 'Huy mga Carmelite Sisters, Ano na?!'" dagdag pa niya.
Sey pa ni Yap, kung kokonsulta siya sa paggawa niya ng pelikula, mas gugustuhin pa raw niyang kumonsulta kay "Valak," isang demonyong madre sa horror movie na "The Conjuring 2."
"Pero kung talagang dapat po ikinunsulta ko ang paggawa ko ng pelikula, hihingi ako ng advise kay Valak kung paano, kailan, at kanino siya kumunsulta."
Samantala, inimbitahan din ng direktor na manood ng kaniyang pelikula ang Carmelite sisters.
"I would like to invite our Sisters to watch the film; if they are ostentatious about details, I don’t think there is a need for this 'ouch' and 'involvement.' Nung pinaalis ng bansa ang Pamilya Marcos, Wala po si President Cory sa isang Monasteryo," sey niya.
"Wala rin pong masama sa 'Mahjong' pampalipas-oras man o pang magkakaibigang-laro."