Nais ng Department of Education (DepEd) na alisin na sa mga paaralan ang mga Covid-19 quarantine facilities bago ang pagbubukas ng klase sa Agosto 22.

Sa isang press briefing nitong Martes, sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa local government units (LGUs) upang matanggal na ang mga quarantine facilities sa mga campus bago magsimula ang School Year 2022-2023.

“We are trying to coordinate with the LGUs to make sure na ma-clear out natin ang mga ito para makapagbalik-eskwela tayo sa August 22,” ayon pa kay Poa.

Hindi naman agad nakapagbigay ng numero si Poa kung ilang paaralan pa ang nagsisilbing quarantine facilities sa Covid-19 hanggang ngayon.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Matatandang ilang LGUs ang nagtayo ng mga quarantine facilities sa mga pampublikong paaralan noong kasagsagan ng surge ng Covid-19.

Kaugnay nito, tiniyak rin ni Poa na ang DepEd ay nakikipag-coordinate na rin sa mga LGUs upang masigurong may mga klinika at mga health facilities sa bawat paaralan, maging ang mga nasa remote areas.

Una nang inihirit ng mga education advocacy groups na kailangang mayroong health facilities sa bawat public school, ngayong magbabalik na ang limang araw na face-to-face classes sa bansa simula sa Nobyembre 2, sa gitna pa rin nang nananatiling banta ng Covid-19 pandemic, at pagsusulputan pa ng iba pang subvariants nito at maging ng iba pang sakit, gaya ng monkeypox.

Tiniyak naman ni Poa na ang health at sanitation facilities ay bahagi ng kanilang Brigada Eskwela, na idinaraos na rin sa mga paaralan sa ngayon o tatlong linggo bago ang pagbubukas ng klase.

Batay sa datos ng DepEd, hanggang nitong Martes ng umaga ay nasa mahigit 13 milyon na ang mga mag-aaral na nakapagpatala para sa School Year 2022-2023.