Bukod sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa at iba pang opisyal na holidays, kilala rin ang Agosto bilang 'ghost month' ayon sa paniniwala ng mga Chinese.

Ayon sa matandang paniniwala, isang buwang nagbubukas ang pintuan ng impiyerno upang pakawalan ang mga gutom na kaluluwa, na siya namang nagdadala ng kamalasan sa mga buhay na naninirahan sa mundong ibabaw. Pagala-gala raw ang mga kaluluwa sa daigdig sa panahong ito. Agosto 15, mas agresibo raw ang mga espiritung ito kaya dapat mas mag-ingat.

Kaya ang iba, ipinagpapaliban ang mahahalagang event sa buhay nila kagaya ng paglipat sa bagong bahay, pagpapakasal, pagbubukas ng bagong negosyo o pagsasara ng mga business deals upang makaiwas daw sa malas na dulot nito. Posible rin daw ang pagkakasakit.

"Pinaniniwalaan sa Chinese na equivalent din yan sa undas. Bumabalik sila sa lupa upang maghanap ng entertainment maghanap ng taong mabibiktima para may biglang death o accident," ayon sa panayam ng ABS-CBN News noon kay Master Hanz Cua.

Human-Interest

'Nakabalot pa!' Grade 10 student, si 'Crush' natanggap na exchange gift

Anyway, ayon sa mga feng shui expert, narito ang mga maaaring gawin upang makaiwas sa malas.

  1. Makabubuting maglagay raw ng asin sa palibot ng bahay at ilagay ito sa isang pulang tela o lalagyan. Maglagay rin nito sa bulsa kung aalis ng bahay.
  2. Magbaon o maglagay sa bahay ng luya o bawang na tinalian ng pulang sinulid upang matakot ang mga kaluluwang ligaw. Maaari itong isabit sa bintana, o ilagay sa bungad ng pintuan o tarangkahan.
  3. Maaari daw magsunog ng insenso tuwing gabi, o kaya naman ay mag-alay ng pulang kandila, alak, sigarilyo, o paper money sa labas ng bahay.
  4. Sa kasuotan naman, ugaliin ang pagsusuot ng mga damit o saplot na kulay dilaw, pula, o iba pang light colors.
  5. Kung mag-aalay ng pagkain, iwasan ang mga pagkain o prutas na dikit-dikit kagaya ng saging o lansones. Maaari daw kasing magdikit-dikit, magsunod-sunod, o magtuloy-tuloy ang kamalasan.
  6. Makabubuting buksan ang mga ilaw tuwing gabi, lalo na ang mga lugar na hindi masyadong napupuntahan ng mga tao kagaya ng bodega o likod-bahay, upang hindi umano mamugad ang mga pagala-galang kaluluwa.
  7. Kung makikinig ng musika, tiyaking malakas-lakas ito upang mabulabog ang mga ligaw na espiritung papasok sa bahay.
  8. Iwasan daw ang pagtapik sa likod o balikat ng kapwa; kung natapik ka naman, makabubuting ibalik ito sa kaniya sa pamamagitan ng pagtapik din. Naipapasa raw kasi ang bad vibes.
  9. Huwag iwanan sa gabi ang mga nilabhang damit na isinampay at pinatuyo sa labas ng bahay.
  10. Kapag may tumawag sa iyong pangalan subalit wala namang kasama sa bahay, huwag lilingon!

Sabi nga, ang mga pangyayari sa buhay ng isang tao ay batay sa kaniyang mga desisyon. Subalit wala namang masama kung susundin ito, 'di ba?