Hindi muna makakadalo si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo sa 55th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Foreign Ministers' Meeting (AMM) at Related Meetings na gaganapin sa Phnom Penh, Cambodia ngayong linggo matapos siyang magpositibo sa Covid- 19.
Sa isang tweet, ikinalungkot ni Manalo ang hindi pagdalo sa magaganap na pulong dahil aniya, ito sana ang unang ASEAN engagement niya bilang kalihim ng DFA.
"This would have been my first ASEAN engagement in my capacity as Secretary for Foreign Affairs, so it is unfortunate that my absence happens at this important time," tweet ni Manalo.
Gayunpaman, sinabi niya na ang partisipasyon ng Pilipinas ay hindi maaapektuhan dahil si DFA Undersecretary for Bilateral Relations and Asean Affairs Ma. Theresa Lazaro ang kakatawan sa bansa.
"I have also sent regrets to Cambodia's Deputy Prime Minister and Foreign Minister and this year's AMM Chair, H.E. Prak Sokhonn," aniya.
Dagdag pa niya, itutuon na lamang na muna niya ang kanyang pansin sa pagpapagaling upang makabalik siya sa pagtatrabaho sa DFA sa lalong madaling panahon, at inaasahan niya ang susunod na pagkakataon upang makipagkita sa mga kasamahan sa ASEAN at sa Dialogue Partners ng Pilipinas.
Mula Hulyo 29 hanggang Agosto 5, ang Cambodia ay gaganap na host ng 55th AMM bilang tagapangulo ng Asean para sa 2022.