Mahigpit na nagbabala ang pamunuan ng National Housing Authority (NHA) Region IX at ARMM sa publiko kasama ang mga active uniformed personnel, mga empleyado ng gobyerno, mga aplikante sa pabahay ng pamahalaan at mga benepisyaryo na mag-ingat sa patuloy na scam o modus online, para sa 'di umanong aplikasyon para sa pabahay.
Ayon sa NHA, kailangan lamang ng hanggang P5,000 ng mga scammer para sa bawat aplikante para sa pagproseso umano at pag-apruba ng mga dokumentong may kinalaman sa transaksyon, at aplikasyon ng mga house and lot unit na 'di umano ay mula sa ahensya.
Sabi ng NHA, hindi nito kinikilala o pinapayagan ang mga ganitong ilegal na aktibidad.
Lubos na pinapayuhan ng ahensya ang mga kliyente nito at ang publiko, na umiwas sa ganitong mga transaksyon sa social media at upang hindi mabiktima ng mga oportunistang gumagamit ng pangalan ng ahensya para manloko at makakuha ng pera.
Dagdag pa ng NHA, kung nais mag-apply para sa mga house and lot unit nito, maaaring komunsulta lamang sa mga authorized personnel ng ahensya at sa mga NHA office sa buong bansa.
Gayundin, sa pagbabayad ng mga amortisasyon at iba pang bayarin sa NHA, magbayad lamang sa mga awtorisadong over-the-counter channels o sa pamamagitan ng mga authorized collection officer na may opisyal na resibo mula sa ahensya.
Beth Camia