Nadagdagan na naman ang bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa Cabanatuan City, Nueva Ecija matapos magpositibo sa sakit ang isang babaeng private employee nitong Hulyo 31.
Sa abiso ng Cabanatuan City Health Office, 25-anyos ang naturang babae at taga-AGL Heights, Brgy. Caalibangbangan. Sumasailalim na ito sa home quarantine.
Sumailalim sa swab test ang naturang empleyado nitong Hulyo 30 at lumabas ang positibong resulta nito nitong Linggo, Hulyo 31.
Pagdidiin ng health office, symptomatic ang pasyente na inuubo, nilalagnat, sumasakit ang katawan at sinisipon.
Wala itong travel history, banggit pa ng city health office.
Sa kabuuan, aabot na sa 8,153 ang kumpirmadong kaso ng sakit sa lungsod, kabilang ang 7,667 na nakarekober at nasa 412 naman ang naiulat na nasawi.
Nitong Hulyo 31, nasa 74 na ang aktibong kaso ng Covid-19 sa siyudad, ayon pa sa health office.