Naglabas ng pahayag ang VinCentiments tungkol sa mga bali-balitang namimigay umano ng libreng ticket ang opisina ni Senador Imee Marcos at ViVa Films para sa pelikulang "Maid in Malacañang."

Nilinaw ng VinCentiments na nitong Hulyo 30 lamang naging available ang mga tickets ng nabanggit na pelikula.

"Simula ngayong July 30 ay available na po ang cinema tickets sa Pilipinas at sa ilang mga bansa sa buong mundo. Opo, ngayon pa lamang po available ang cinema tickets; dumerecho po kayo sa inyong mga paboritong malls at wag kayong magpapaniwala sa mga posts ng mga losers," saad ng VinCentiments sa kanilang Facebook post nitong Sabado, Hulyo 30.

Pinabulaanan din nila na hindi totoo ang mga balitang namimigay sila ng libreng ticket at wala umanong direktiba mula sa kanila ang mga nagbo-book ng mga block screenings ng pelikula.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

"Ang opisina po ni Senator Imee, ang Viva Films at maging ang Vincentiments ay hindi po nagpapamigay ng libreng tickets— gawain po ng mga kakampinks yan—ipinapasa lang sa atin," anila.

"Ang mga negosyante, local leaders at mga grupo ng loyalists na nagbubook ng blockscreenings ay wala pong direktiba mula sa amin; hindi po namin ito inutos—pero hindi rin namin pipigilan, kami po ay nagpapasalamat sa mga inisyatibong ganito. gayunpaman— sa pagiging mukhang pera ng ating direktor- makakasiguro po tayong hindi libre ang tickets," dagdag pa nito.

Nakiusap din ang VinCentiments sa mga Pilipinong nasa ibang bansa na huwag patungan ang presyo ng ticket ng 'Maid in Malacañang' para makanood umano ang lahat.

"Sa mga kababayan po natin sa ibang bansa lalo na sa Dubai, na 4 na araw na pong sold-out ang schedules— nakikiusap po kami na sana ay wag natin patungan ang presyo ng ticket para po makapanood ang lahat; personal pong bibisita si Direk Darryl sa Dubai kasama ang ilang cast," anila "Huwag po tayong magpadala sa pagpapapansin ng mga kumakain ng panis na kanin— na ipinipilit na may katapat ang pelikula natin."

Samantala, tila may patutsada pa sa hindi nanalo noong eleksyon.

"Gaya ng nangyari sa eleksyon, ang tumakbo para lang may talunin ay hindi nanalo— kaya ang pelikulang ipapalabas lang para may pilit na tapatan ay hindi magtatagumpay. Huwag po natin limusan ng atensyon ang kacheapang iyon.

"PARATING NA ANG MAID IN MALACAÑANG. at walang silang magagawa kundi ang mainggit, magpakalat ng pekeng balita at magtae mula sa kanilang toxic pink bunganga."

Ipalalabas sa mga sinehan ang Maid in Malacañang sa Agosto 3.