Usap-usapan ngayon sa social media ang isang vlogger na si "Kakampink 101" mula sa Bacolod City kung saan nagbebenta siya ng ₱20 sa bawat kilo ng bigas, upang magsilbing tulong sa mga nangangailangan at kipit sa budget.

"Sa ₱20/kilo na premium na bigas natin muling aarangkada, saang lugar kaya? Basta lahat puwedeng pumila, basta Pilipino ka," aniya sa kaniyang pubmat.

Ginagawa raw niya ito upang ipaalala sa pamahalaan, lalo na kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., ang mga ipinangako nito noong kampanya. Paalala rin ito umano sa mga opisyal na nakaupo sa puwesto na magserbisyo nang tapat at maayos para sa sambayanang Pilipino. Ito rin ay pagpapatuloy ng pagpapakita at pagpaparanas ng "radikal na pagmamahal", na bitbit na gabay ng mga Kakampink.

Noong Biyernes, Hulyo 29 ay nag-Facebook Live naman si Kakampink 101 para sa linawin ang sinasabi sa kaniya ng bashers at negatibong komento dahil sa kaniyang adhikain.

Trending

'Grabe lakas mo!' Netizen na nakatanggap ng 'Hakot Challenge Award,' hinangaan

Sa latest Facebook post niya, mukhang magbebenta naman siya ng piso sa bawat piraso ng itlog.

Narito naman ang reaksiyon at komento ng mga netizen sa comment section ng kaniyang vlog noong Hulyo 30, 2022. Sinimulan niya ito sa isang lugar sa Taguig City.

"Sana gumawa rin ng ganiyan ang may kakayahan… kung di kayang tuparin ng pamahalaan, mga tao na ang kumilos at di na tingnan ang kulay ng politika dahil pare-pareho rin pangangailangan ng katawan natin… pagkain lalo na ang bigas…"

"Kudos to Kakampink 101 for still showing radikal ang magmahal sa ating kapwa na kahit inaaway na tayo ng BBM-Sara fanatics gorabells pa din sa pagtulong."

"Saludo ako sa 'yo, Kuya… maraming salamat sa malasakit… nakakatuwa na me ganiyang initiative para sa ating mga kababayan… the best talaga ang Kakampink! God bless you more."