PANGASINAN - Dalawa ang binawian ng buhay nang tamaan ng kidlat sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan nitong Sabado.
Sa ulat na natanggap ng Pangasinan Police Provincial Office, nakilala ang unang tinamaan ng kidlat na si Dionisio Domondon, 41, magsasaka at taga-Brgy. San Eugenio, Natividad.
Nagtatanim lamang si Domondon sa kanyang sakahan, kasama ang ilang magsasaka nang biglang tamaan ng kidlat dakong 4:55 ng hapon nitong Hulyo 30.
Dead on arrival sa Eastern Pangasinan District Hospital si Domondon dahil sa matinding pinsala sa katawan.
Sa Bolinao, kasalukuyang nangingisda si Truly Labio, 57, taga-Brgy. Balingasay, Bolinao, nang tamaan ng kidlat.
Natagpuan na lamang ng mga mangingisda ang bangkay nito na lumulutang sa dalampasigan ng Brgy. Arnedo, Bolinao.
Kinumpirma naman ni Municipal Health officer, Dr. Pangilalo del Fierro, Jr. na namatay si Labio dahil sa tama ng kidlat.