Pinapurihan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) matapos na tanghalin ang director nito na si Dr. Merle D. Sacdalan-Faustino, bilang regional winner ng “Dangal Ng Bayan” Awards ng Civil Service Commission (CSC).
Bunsod na rin ito sa uri ng libreng serbisyong medikal na ibinibigay ng nasabing ospital, na isa sa anim na ospital na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Isang thanksgiving dinner din ang inihandog ng mga officers at staff JJASGH na may temang “Dangal ng Bayan! Dangal ng Maynila! Dangal ng JJASGH!,” kung saan ang mga matataas na opisyal ng lungsod ay isa-isang bumati kaySacdalan.
Pinangunahan ni City Administrator Bernie Ang ang mga lokal na opisyal sa pagbati kay Sacdalan na ayon sa kanya ay karapat-dapat sa karangalan matapos na dalhin niya ang JJASGH sa kinalalagyan nito ngayon.
Kasama ring bumati sina Sta. Ana Director Dr. Grace Padilla, Secretary to the Mayor Marlon Lacson, urban settlements chief Atty. Chris Tenorio, Mayor Honey Lacuna’s chief of staff Joshua Santiago, Barangay Chairman Jefferson Lau, St. Peter’s Life and Non-Life plans owner Dr. Mildred Vitangcol, Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. external committee chair Nelson Guevarra at Universidad de Manila President Felma Tria.
Nauna rito ay pinapurihan na nina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo si Sacdalan sa kanyang mahusay na trabaho sa isang simpleng seremonya noong flag raising ceremony sa City Hall kung saan ay nagpasalamat ang alkalde sa direktor ng JJASGH dahil iniangat nito ang standard ng public hospital services na kapanatay ng private hospitals.
Sa bahagi ni Sacdalan, ay pinasalamatan niya ang lahat ng sumuporta sa lahat ng hakbangin ng ospital sa ilalim ng kanyang pamumuno sa pangunguna ni City Administrator Ang, Guevarra, Lau, FFCCCII Sec-Gen Dr. Fernando Gan at ang Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) sa pamumuno ni Itchie Cabayan bilang pangulo kung saan ang grupoay kanyang lubos na pinasalamatan sa palagiang pag-uulat ng mga kaganapan at programang isinasagawa ng JJASGH upang higit na mapagsilbihan ang mga Manileño.
Si Sacdalan na sinamahan ng kanyang 90- anyos na inang si Rose, mga kapatid, asawang siAtty. Melencio Faustino at anak na si Metea Micol, ay ibinahagi ang karangalan sa kanyang mgaco-workers at sinabing hindi niya mapagtatagumpayan ang maraming bagay kung hindi dahil sa tulong ng mga tao sa likod nang araw-araw na operasyon ng JJASGH.
Ipinangako din ni Sacdalan na lalo pang pagbubutihin ang serbisyo ng JJASGH para sa mga residente ng Maynila at maging sa mga naninirahan sa labas ng Maynila na nangangailangan ng tulong.
Nakiisa din si Sacdalan sa kanyang mga hospital staff na ipagpatuloy ang dedikasyon at pagsisikap na mapaglingkuran ang mga pasyente.
Ang Dangal ng Bayan (DNB) Award o Outstanding Public Officials and Employees’ Award for exemplary ethical behavior ay isang karangalan na ibinibigay sa indibidwal sa kanyang natatanging gawain o public service at patuloy na pagpapakita ng natatanging kabutihan base sa eight norms of conduct na itinatakda sa ilalim ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, kabilang na ang commitment to public interest; professionalism; justness and sincerity; political neutrality; responsiveness to the public; nationalism and patriotism; commitment to democracy and simple living.
Nabatid din na ang JJASGH ay ginawaran ng ISO 9001:2008 Certification noong July 8, 2016 at matagumpay na nag-transisyon sa latest version ISO 9001:2015 noong August 8, 2018. Ang ISO Certified institution ay nangangahulugan na nakasunod ito sa international standards, procedures and service quality.