Bukod sa mismong kauna-unahang GMA Thanksgiving Gala Night ay isa pa sa mga pasabog ng Siyete ang muling pagbabalik-Kapuso ng actor-host-performer na si Billy Crawford matapos ang 15 taon.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/07/31/kauna-unahang-gma-gala-night-matagumpay-na-naidaos/">https://balita.net.ph/2022/07/31/kauna-unahang-gma-gala-night-matagumpay-na-naidaos/
Siya ang magsisilbing host pa rin ng "The Wall Philippines" na mapapanood na rin sa GMA, na nauna nang hinost ni Billy at napanood sa TV5.
Makikita sa litratong ibinahagi ng GMA Network si Billy sa harapan ng GMA building sa Kamuning, Quezon City habang nakasakay sa kaniyang motorsiklo.
Nakahabol pa si Billy sa pagdalo sa Gala Night kasama ang misis na si Coleen Garcia.
Well, originally ay galing naman talaga sa GMA Network si Billy Joe dahil 3 taong gulang pa lamang siya nang madiscover siya sa "That's Entertainment" ng yumaong star builder na si German "Kuya Germs" Moreno. Pinasok din niya ang pag-arte sa ilang GMA shows.
Sa edad na 12 naman ay nag-migrate siya sa States. Nagningning ang kaniyang singing career sa ibang bansa at nabigyang-pagkakataong makasama sa performance ang mga international artists gaya nina Lee Thompson Young, Nina Sky, at Mandy Moore. Naging back-up dancer din siya ni Michael Jackson sa performance nito ng "Dangerous" sa 1995 MTV Video Music Awards.
Taong 2007 nang bumalik siya sa Pilipinas at nagsilbing host ng "MOVE: The Search for Billy Crawford's Pinoy Dancers" sa Kapuso Network.
2008 naman nang lumipat siya sa ABS-CBN at nagsilbing TV host ng napakaraming mga Kapamilya shows gaya ng 'ASAP", "Pinoy Dream Academy Season 2 Überture," "Pilipinas Got Talent", "Your Face Sounds Familiar", "Little Big Shots", at "Idol Philippines Season 1". Nakasama rin siya sa noontime show na "It's Showtime" kasama sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, at iba pa.
Noong 2020, lumipat siya sa TV5 at naging host ng noontime show na "Lunch Out Loud" (Tropang LOL na ngayon), "The Masked Singer Philippines", at "The Wall Philippines".
Samantala, hindi pa malinaw kung may proyekto bang gagawin sa Kapuso Network ang dating mga Kapamilya artist, at kasalukuyang Viva artists na sina Marco Gumabao at Cristine Reyes dahil naispatan din sila sa Gala Night.
Kung totoo ito, magbabalik-Kapuso lamang si Cristine dahil naging contestant siya sa "StarStruck" Season 1 sa GMA. Naging bahagi pa siya ng "Mulawin (2004)," "Darna (2005)," at "Marimar (2007)".
Noong 2008, lumipat siya sa ABS-CBN at nabigyan ng sariling teleserye na "Eva Fonda (2008)" at "Tubig at Langis (2016)". Tumatak at talagang napansin ang kaniyang acting skills sa pelikulang "No Other Woman" ng Star Cinema-Viva Films kasama sina Anne Curtis at Derek Ramsay. Ito ang may hawak ng "highest-grossing film of all times" noong 2011.
Nang mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN, nagkaroon ng proyekto si Cristine sa TV5 katambal si Diego Loyzaga. Ito ay ang Philippine adaptation ng Korean drama na "Encounter". Naging hurado din siya sa "The Masked Singer Philippines".
Si Bianca Manalo naman ay dumalo rin sa Gala Night kasama ang partner na si Sen. Win Gatchalian. Associated bilang Kapamilya ang beauty queen na si Bianca at bumida sa teleseryeng "Juanita Banana" noong 2010 at nakasama sa iba't ibang Kapamilya shows. Ang huling proyektong kinabilangan niya ay ang hit Pinoy adaptation na "The Broken Marriage Vow" na pinagbidahan ni Jodi Sta. Maria.
Maaari ding nagtungo sila sa Gala Night dahil imbitado naman ang mga Viva artists. Abangan na lamang ang mga announcement kung may proyekto ba silang gagawin sa Kapuso Network.