Napauwi na umano sa kani-kanilang mga tahanan ang 16 na construction workers na basta-basta na lamang iniwan ng kanilang amo sa Aklan, noong Mayo 16.

Ayon sa ulat, dinala sila sa Aklan para sa isang trabaho. Noong una raw ay binigyan sila ng budget para sa mga gastusin nila sa pagkain, subalit ilang linggo lamang ay naglaho itong parang bula. Gumawa na lamang daw ng paraan ang mga naturang manggagawa upang makakain sa araw-araw.

Ayon sa Facebook post ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo nitong Biyernes, Hulyo 29, maluwalhating nakauwi na ang construction workers sa kani-kanilang mga pamilya noong Hulyo 28. Sa tulong ito ng pagtutulungan ng DSWD sa rehiyon 3, 4A, at 6.

"SALAMAT SA DIYOS AT NAKAUWI NA SA KANI-KANILANG PAMILYA KAHAPON SA BULACAN AT CAVITE ANG 16 NA CONSTRUCTION WORKER NA INABANDONA NG AMO NILA SA AKLAN SIMULA NOONG MAY 16," ayon sa FB post ni DSWD Sec. Tulfo.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

"Thank you DSWD REGION 6, 3 and 4A sa inyong pagtutulungan."

"Kung may alam kayo na stranded na mga manggagawa sa ibang lugar at hindi makauwi sa pamilya… mangyari lang ilapit sila sa pinakamalapit na DSWD provincial o regional office. Salamat po," panawagan pa nito.