Kumpiyansa ang Department of Health (DOH) na accurate ang isinasagawa nilang pag-uulat at surveillance ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa.

Ang paglilinaw ay ginawa ng DOH kasunod ng pahayag ng OCTA Research Group na nagkakaroon ng underreporting ng kaso ng sakit dahil hindi naisasama sa tally ng pamahalaan ang positibong resulta ng mga antigen tests.

Bagamat hindi naisasama sa bilang ang resulta ng antigen tests, tiniyak ng ahensya na masusi naman nilang binabantayan ang mga ito sa pamamagitan ng kanilang Regional Epidemiology and Surveillance Units.

"The Department of Health is confident in the accuracy of reporting of cases and surveillance of our units," anang DOH.

"While the antigen test results are not yet counted in the DOH reports, we are monitoring these through our Regional Epidemiology and Surveillance Units who track the compliance of antigen test reporting from LGUs and health facilities," sabi ng DOH.

Binigyang-diin pa ng DOH na sa kabila ng naitatalang pagtaas ng mga kaso ng sakit, ang mas mahalaga pa rin ay nananatiling mababa ang bed at ICU utilization rates ng Covid-19.

Nangangahulugan kasi anila ito na ang mga pagamutan ay nananatiling bukas at hindi dinadagsa ng mga pasyente.

"Moreover, even with the observed increase in cases, it is more important that our bed and ICU utilization rates stay low -- meaning our hospitals stay open and not overwhelmed," ayon sa ahensya.

Iniulat rin ng DOH na hanggang noong Hulyo 28, 2022,  nananatili pa ring nasa low risk ang case classification ng bansa sa average daily attack rate (ADAR) na 2.52 cases per 100,000 population.

Ang hospital bed occupancy naman ay nasa less than 29% lamang habang ang ICU utilization rate ay nasa 24% naman.

Patuloy rin ang paalala ng DOH sa publiko na magpabakuna na at huwag maging kampante at sumunod sa ipinaiiral na health and safety protocols.