Halos 4,000 ang naitalang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa Pilipinas nitong Sabado, ayon sa datos ng Department of Health (DOH).
Paliwanag ng DOH, mas mababa ang 3,996 na Covid-19 cases nitong Hulyo 30 kumpara sa 4,127 na naitala nitong Hulyo 29.
Dahil sa bagong kaso ng sakit nitong Hulyo 30, umabot na sa 3,772,468 ang kabuuang nahawaan sa Pilipinas mula nang maitala ang unang kaso ng virus sa bansa noong 2020.
Lumobo naman ngayon sa 33,509 ang aktibong kaso ng virus sa bansa, ayon na rin sa DOH.
Sa huling datos ng DOH, tumaas na sa 3,678,240 ang nakarekober sa sakit sa bansal, gayunman, nakapagtala pa rin ng 60,719 na namatay sa sakit.
Kabilang pa rin sa mayroong mataas na kaso ng hawaan ang Metro Manila, Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon (Calabarzon), Central Luzon, Western Visayas at Central Visayas.