Posibleng umabot sa dalawa hanggang tatlong bagyo ang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa buwan ng Agosto.
Sa pulong balitaan nitong Sabado, Hulyo 30, sinabi ng PAGASA na karaniwang tumatama ang mga bagyo sa bansa sa pagsisimula ng Agosto.
Ito ay tumatama sa hilaga at sa gitnang bahagi ng bansa. Bagamat palabas na ng Pilipinas ang bagyong Ester, asahan pa rin ang maulan na panahon sa Metro Manila sa susunod na dalawang araw bunsod narin ng hanging habagat.
Ngayong araw, simula pa alas-3:00 ng hapon, Sabado, ay nakararanas ng ulan ang Metro Manila at karatig na lalawigan.
Nagpalabas ang ahensya ng heavy rainfall warning na kung saan nakataas sa yellow warning ang Metro Manila, Bataan, ilang bahagi ng Zambales, Bulacan at Pampanga.
Ayon sa PAGASA, posible ang pagbaha sa mabababang lugar at mga lugar na malapit sa river channels.
Samantala, asahan din ang mahina at katamtaman na paminsan minsan ay may kalakasang pag ulan sa Laguna, Bulacan at Pampanga sa susunod na tatlong oras.