Kakailanganin umano ng pamahalaan ng halos ₱1.3 bilyong pondo para sa pagpapagawa ng mga paaralang napinsala ng magnitude 7 na lindol sa tumama sa northern Luzon kamakailan.
Batay sa ulat ng Department of Education (DepEd) nitong Biyernes ng gabi, nabatid na mayroong 9,539 paaralan ang naapektuhan ng malakas na lindol habang 226 sa mga ito ang napinsala.
Sa naturang bilang, 132 ang mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), 49 ang mula sa Ilocos Region, 25 ang mula sa Cagayan Valley Region, 18 ang mula sa Central Luzon Region, at tig-isa ang mula sa Metro Manila at CALABARZON.
Sa mga natukoy na eskwelahan, 422 silid-aralan ang lubusang nasira habang 636 na silid-aralan ang bahagyang nasira.
"Alinsunod dito, tinatayang ₱1.298 bilyon ang kinakailangan para sa pagkukumpuni at muling pagtatayo ng mga napinsalang paaralan," anang DepEd.
Samantala, iniulat rin naman ng DepEd na karamihan sa 3,536 na mga eskwelahan na nagdeklara ng suspensiyon ng trabaho pagkatapos ng lindol ay nakabalik na nitong Huwebes, Hulyo 28.
Bukod sa patuloy na pagtugon sa kalamidad, nabatid na ginamit ng Education Facilities Division ng Kagawaran ang mga inhinyero mula sa Rehiyon 2 upang dagdagan ang mga manggagawa ng CAR at Rehiyon 1 para sa structural assessment ng mga eskwelahan.
Dumalo rin ang mga kinatawan ng DepEd Central Office sa Camp Coordination and Camp Management (CCCM) at Internally Displaced Person Protection (IDPP) cluster meeting para talakayin ang mga isinasagawang response operations at reporting arrangements.
Dagdag dito, ang National Education Cluster Partners ay nagsagawa ng rapid assessment ng mga pinsala at agarang pangangailangan at tinukoy ang mga rehiyon o dibisyon na nangangailangan ng Psychological First Aid (PFA).