Ang Pilipinas ay nasa ika-80 pwesto sa "most powerful passport" sa inilabas na 2022 Henley Passport Index para sa quarter 3 ng taon, kasama nito ang mga bansang Cape Verde Islands at Uganda.
Ang pinakabagong ranggo ng bansa sa listahang ginawa ng research firm na nakabase sa London na Henley & Partners ay tumaas mula sa ika-82 na puwesto para sa parehong panahon noong nakaraang taon, ngunit bahagyang bumaba ito mula sa ika-77 na puwesto sa unang bahagi ng taong ito.
Binigyang-diin din sa listahan na ang mga may hawak ng pasaporte ng Pilipinas ay maaaring maglakbay nang walang visa sa 67 destinasyon.
Samantala, ang Japan pa rin ang nakakuha ng pinakaunang pwesto na may access na walang visa sa 193 destinasyon. Ang Singapore at South Korea ay nasa pangalawang puwesto, na nagbibigay sa mga may hawak ng pasaporte ng visa-free na access sa 192 destinasyon. Pangatlo ang Germany at Spain na may 190 visa-free na destinasyon.
Pasok rin mga bansang Finland, Italy, Luxembourg, Austria, at Denmark sa top 10.
“The recovery and reclamation of our travel freedoms, and our innate instinct to move and migrate, will take time,” ani Henley & Partners Chairman Christian Kaelin sa isang pahayag.
Maraming bansa sa buong mundo ang may visa-free o visa-on-arrival na access sa 40 o mas kaunting mga bansa.
Kabilang dito ang:
- North Korea (40 destinasyon)
- Nepal, Palestinian teritoryo (38 destinasyon)
- Somalia (35 destinasyon)
- Yemen (34 na destinasyon)
- Pakistan (32 destinasyon)
- Syria (30 destinasyon)
- Iraq (29 na destinasyon)
- Afghanistan (27 destinasyon)
Ang inilabas na index ay tumutulong na masuri ang halaga ng mga pagkamamamayan sa buong mundo batay sa kung aling mga pasaporte ang nag-aalok ng pinakamaraming visa-free, o visa-on-arrival access.