Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa publiko na ang deadline para sa pagsusumite ng aplikasyon para sa Senior High School (SHS) Voucher Program (VP) ay hanggang bukas na lamang, Hulyo 29, 2022.

Ayon sa DepEd, basta’t nakagawa na ng Online Voucher Application Portal (OVAP) account ang estudyante hanggang noong Hulyo 22, ay maaari pa niyang isumite ang kanyang aplikasyon para sa programa hanggang sa Biyernes.

“Hello, SHS Students! 👋 Nakapag-submit ka na ba ng application para sa Senior High School (SHS) Voucher Program? Basta may account ka na sa Online Voucher Application Portal (OVAP), pwede mo pang kumpletuhin at i-submit ang application mo hanggang bukas, Hulyo 29, 2022!” anang DepEd, sa isang Facebook post nitong Huwebes.

Kinakailangan lamang umano ng mag-aaral na magtungo sa OVAP:https://ovap.peac.org.phat i-sign in ang kanyang OVAP account.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Matapos ito ay kailangan ring kumpletuhin ang aplikasyon.

“Siguraduhing makapag-attest at submit bago ang deadline,” ayon pa sa DepEd.

“Para sa iba pang impormasyon, tingnan ang FAQs para sa SHS VP ngayong SY 2022-2023,” anito pa.

Ang SHS VP ay isang programa ng pamahalaan na layuning magbigay ng tulong pinansiyal sa mga mag-aaral sa senior high school sa pamamagitan ng tinatawag na vouchers.

Noong Hunyo 29, 2022 ay sinimulan na ng DepEd ang voucher application para sa School Year 2022-2023 at nakatakda itong magtapos sa Hulyo 29, 2022.

Inaasahan namang sa Agosto 22, 2022 ay ipapaskil na ng DepEd ang resulta ng online application sa OVAP.

Anang DepEd, ang mga mag-aaral na makakapasa para sa programa ay tatawaging Qualified Voucher Recipients (QVRs).

Maaari anilang i-redeem ng mga QVRs ang kanilang vouchers simula sa Agosto 22 hanggang sa Nobyembre 4, 2022 lamang at ito ang kanilang ipiprisinta sa mga paaralang kanilang papasukan.