Mahigit 8,000 paaralan ang apektado habang 35 iba pa ang nasira nang yanigin ng magnitude 7.3 na lindol ang Abra at iba pang bahagi ng Luzon nitong Miyerkules.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, iniulat ng Department of Education (DepEd) na ang 35 napinsalang paaralan ay mula sa 15 school division offices sa Luzon.
Base sa initial Rapid Assessment of Damages Report (RADaR) ng Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ng DepEd, nabatid na sa naturang bilang,11 ang mula sa Region III (Central Luzon), siyam mula sa Region II (Cagayan Valley), walo ang mula sa Cordillera Administrative Region (CAR ), at pito ang mula sa Region I (Ilocos Region).
Anang DepEd, iniulat rin naman ng DRRMS na ang inisyal na estimated cost para sa reconstruction at rehabilitasyon ng mga napinsalang paaralan ay aabot sa P228.5 milyon.
Samantala, ang 8,027 namang apektadong paaralan ay yaong mga matatagpuan sa mga lugar na nasa ilalim ng instrumental intensity sa Earthquake Information ng Phivolcs o yaong napaulat na mayroong casualties.
Sinabi ng DepEd na dumalo sila sa 1st Response Cluster Meeting at lumahok sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Virtual Emergency Operations Center upang mai-assess ang sitwasyon ng mga rehiyon na naapektuhan ng lindol.
Nagpatawag na rin ito ng emergency meeting sa mga regional at division DRRM coordinators ng mga apektadong rehiyon upang ipresenta ang mga updates at response actions na isinagawa ng kanilang tanggapan.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang DRRMS sa field DRRM coordinators upang makakuha ng updates hinggil sa bilang ng mga mag-aaral, mga guro at mga non-teaching personnel na epekto ng pagyanig.
Ang School Year 2022-2023 ay nakatakda nang magbukas sa Agosto 22 habang magsisimula naman ang limang araw na face-to-face classes sa Nobyembre 2.