Sinimulan na rin ng San Juan City nitong Huwebes ang pagtuturok ng COVID-19 second booster dose para sa A3 population na nagkaka-edad ng 18-49 taong gulang at general population na edad 50-taong gulang pataas.

Mismong si San Juan City Mayor Francis Zamora ang nanguna sa launching ng naturang aktibidad na ginanap dakong alas-8:30 ng umaga sa ikatlong palapag ng VMall Greenhills, sa San Juan.

Dumalo rin sa aktibidad sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Marlo Iringan, Department of Health (DOH) Undersecretary OIC of Public Health Services Team Dr. Beverly Ho, at DOH NCR Regional Director Dr. Gloria Balboa.

“With the active cases on the rise, we are one with the DOH’s call in increasing vaccine coverage nationwide to protect our people and prevent another surge from happening,” ayon kay Zamora.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kaugnay nito, hinikayat ng alkalde ang mga residenteng kuwalipikado na para sa second booster dose na magpabakuna na.

“I am encouraging my fellow San Juaneños, especially those who are qualified and due for their second booster, to register and get your booster shot as soon as you can,” aniya pa.

Nabatid na ang mga kuwalipikadong vaccine recipients ay yaong nakatanggap na ng kanilang COVID-19 shots na halos apat na buwan matapos ang kanilang first booster shot at dapat na nakatanggap na ng iba pang bakuna, dalawang linggo bago tumanggap ng kanilang second booster shot.

Pinapayuhan rin ang mga ito na magdala ng balidong ID at ang kanilang primary at booster vaccination cards sa araw ng petsa ng kanilang pagpapabakuna.

Ani Zamora, ang lokal na pamahalaan ay mag-a-administer ng Pfizer vaccine sa nasabing populasyon.

Ang lungsod ay mayroon pa rin umanong 41,000 doses ng nasabing brand na nakalaan para sa booster shots.

Ipa-prayoridad muna umano nila ang mga residente ng lungsod at saka ito bubuksan sa mga non-residents.

Samantala, nag-aalok pa rin ang lungsod ng first booster shots sa mga residente at maging mga non-residents.

Maaari umano silang magrehistro sa vaccine registration portal ng lungsod at maghintay ng kanilang scheduled vaccination.

Nabatid na ang VMall Greenhills, na siyang main vaccination site ng San Juan City, ay bukas tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, mula alas- 9:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Ang second site naman na matatagpuan sa Multipurpose Hall ng city hall ay bukas tuwing Martes hanggang Biyernes, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.