Usap-usapan ang umano'y pagwo-walk out habang on-air ang programa ng SMNI news anchor na si Mike Abe dahil hindi umano nito nagustuhan ang pahayag ni Pastor Apollo Quiboloy hinggil sa naganap na unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ayon sa mga nakasaksing manonood nitong Martes, Hulyo 26.

Nagkakadiskusyunan daw sina Abe at Quiboloy patungkol sa katatapos na SONA ni PBBM na naganap noong Lunes, Hulyo 25, 2022.

Si Abe, na masugid na tagasuporta ni PBBM, ay naniniwalang marami raw na positibong plano si PBBM sa ekonomiya ng bansa, batay sa mga nasabi nito sa SONA. Ayos lamang daw kung maraming mga hindi nabanggit ang pangulo gaya ng war on drugs, anti-corruption, paglaban sa komunismo, at iba pa.

Kinontra naman umano ito ni Pastor Quiboloy dahil wala umano itong silbi kung hindi mapupuksa ang insurgency sa bansa. Hindi umano ito nabanggit sa SONA ng pangulo. Sana raw ay binanggit ito ng pangulo dahil tila mawawalan daw ng pangil kung isasantabi lamang, lalo't nasimulan na umano ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Tsika at Intriga

Carlos Yulo, wala pa raw naibibigay na tulong sa pamilya kahit palihim na abot?

Tila hindi umano "bumenta" kay Abe ang mga nasabi ni Pastor Quiboloy.

Maya-maya, nagpasalamat si Abe sa 15 taon niyang serbisyo sa SMNI. Hinubad daw niya ang kaniyang suot na lapel at saka nag-walk out. Tila nagdabog daw ito dulot ng mataas na emosyon.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/07/26/smni-news-anchor-mike-abe-nag-walk-out-daw-sa-show-napikon-nga-ba-kay-pastor-quiboloy/">https://balita.net.ph/2022/07/26/smni-news-anchor-mike-abe-nag-walk-out-daw-sa-show-napikon-nga-ba-kay-pastor-quiboloy/

Sinagot naman ni Pastor Quiboloy ang isyu sa pamamagitan ng mga tanong ng mga netizen sa kaniya, Hulyo 26, na binasa naman ng host nito.

"May sarili po akong opinyon eh. Eh kasi hiningi niya ang aking opinyon tungkol sa SONA. Sinabi ko na 'di ba? Inulit nila sa Usapin ng Bayan," ayon sa pastor.

Ang punto raw ni Abe, kung babanggitin ni PBBM lahat ng mga plano niya sa bayan, matatapos umano ito ng tatlong oras.

"Sino ang pinatututsadahan niya roon? Ako?! Ako ang unang nag-comment eh. Ako ang unang ipinahiya niya sa TV. Ako eh nakikinig lang, nakita ba ninyo akong nakikialam sa mga programa ng SMNI? Nakikialam ba ako sa Usaping Bayan? Pero pinahiya mo ako sa TV, sa aking mga comments, o opinyon ko, sinalungat mo at isa kang correspondent ng SMNI, eh talagang sasagutin kita publicly," giit ni Quiboloy.

"Hindi kita babastusin, sasagutin lang kita."

"Opinyon mo? Eh opinyon ko rin ito. Programa mo 'yan? Eh estasyon ko 'yan," banat pa ni Quiboloy. "Nagpo-programa lang siya sa estasyon ko. Kailangan igalang niya muna ako at ang opinyon ko. Kung may opinyon siya na sarili niya, eh huwag niyang salungatin ang chairman niya. Kasi hindi naman pagkakampi-kampi kung kanino itong opinyon ko. Hindi naman ako binabayaran sa opinyon ko."

Bilang chairman ng SMNI, talagang sinusubaybayan daw ni Quiboloy ang lahat ng programa. Kapag alam na niyang mali ang nangyayari, talagang panghihimasukan na niya ito.

"Hindi ninyo puwedeng gamitin ang SMNI para sa sarili ninyong opinyon na hindi na objective! Hindi puwede sa SMNI 'yun.," giit ng pastor.