Bilang pagsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na madaliin ang pagpasa ng mga priority bills, tiniyak ng isang kongresista na kukumbinsihin nito ang mga kasamahan sa Kongreso upang maisagawa ito.

Ayon kay 4th District Rep. Keith Micah D.L. Tan ng Quezon, isusulong nito ang tatlo sa mga panukalang batas na binanggit ni Marcos sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) kamakailan.

Kabilang na rito ang "Philippine Center for Disease Prevention and Control (CDC) Act" (House Bill 281) na nagpapanukalang lumikha ng Center of Disease Prevention and Control, "Virology Institute of the Philippines Act" (House Bill 282) o pagtatatag ng Virology Institute of the Philippines (VIP) na magiging ahensyang kaagapay ng Department of Science and Technology (DOST) sa paghahanda ng bansa laban sa pandemya o public health emergencies at layunin nitong matamo angvaccine self-sufficiency,p atat "Medical Reserve Corps Act" o paglikha ng Medical Reserve Corps (MRC) na pangangasiwaan ng Department of Health (DOH)-Health and Emergency Management Bureau (HEMB).

Sa naturang panukala, ang MRC ay dapat na binubuo ng mga lisensiyadong doktor, medical student na tapos na ng apat na taong medical course, nagtapos ng medisina, rehistradong nars at lisensiyadong allied health professionals.

Ang mga nabanggit na panukalang batas ay pawang inaprubahan na ng nakaraang Kongreso.

Kaugnay nito, naniniwala ang mambabatas na napapanahon na upang maisabatas ang mga tinukoy na panukala para maiangat ang health system ng bansa, lalo na ngayong patuloy ang paglaban ng gobyerno sa pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa.