Umagang-umaga ngayong Miyerkules, Hulyo 27, naramdaman ng halos lahat ng mga taga-Luzon ang pagyanig ng lupa, na dulot ng halos magnitude 7 na lindol sa lalawigan ng Abra at rehiyong Ilocos na nagpatumba sa ilang mga establisyimiento, nagpabitak sa lupa, at sumira ng ilang heritage sites lalo na sa Vigan, Ilocos Norte.
Kitang-kita sa mga ibinahaging larawan ng mga netizen na naninirahan o namamasyal sa mga nabanggit na lugar, ang pinsalang naidulot ng napakalakas na pagyugyog ng lupa, matapos ang ilang dekada.
Habang sineseryoso ng karamihan ang nangyari, may ilang mga netizen na ginawang biro ang sitwasyon. Marami ang gumawa ng "memes," "hugot", at "pick-up lines" tungkol dito.
Isa sa mga 'biktima' nito ang bagong kasal na sina Olympic gold medalist Hidilyn Diaz at Coach Julius Naranjo. Ikinasal ang dalawang weightlifter kahapon, Hulyo 26, sa Baguio City.
Sabi ng mga netizen, kaya raw lumindol ay baka dahil sa honeymoon ng dalawa, lalo't naroon sila sa bandang Norte. Ilang mga Facebook pages ang tila "nanisi" pa sa dalawa dahil ramdam daw ng buong Luzon ang kanilang pulot-gata.
"Ahhh kaya siguro lumindol may nagha-honeymoon."
"Alam na… hahaha, nandoon pa sila sa Baguio! Lakas ng impact guys ah?"
"Grabe ka na Hidilyn… ang lakas mo hahaha."
"Kaya pala lumindol nag-honeymoon yung dalawang heavy weightlifters haha."
Samantala, may mga netizen naman ang nagsabing huwag sanang gawing biro ang paglindol at maging sensitibo.
"Guys, magbiro na kayo pero huwag naman kapag ganitong may sakuna o kalamidad."
"Let's stop this non-sense joke. Nagagawa n'yo pang magbiro gayong may mga kababayan tayong apektado ng lindol?"
"Huwag po sanang gawing biro ang lindol o iba pang mga kalamidad."
Ibinahagi naman ni Hidilyn sa kaniyang IG story ang pag-evacuate nila ng mister matapos ang lindol.
Wala pang reaksiyon o tugon ang mag-asawa tungkol dito.