Tatlo na ang naiulat na nasawi matapos tumama ang malakas na lindol sa Cordillera nitong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ang unang namatay na si Aron Cul-iteng, may-asawa, tubong Cervantes, Ilocos Norte at taga-Pinsao Baguio City.
Sa paunang ulat ng La Trinidad Municipal Police, nadaganan si Cul-iteng ng ginawa nilang gusali sa Central Buyagan, Poblacion, La Trinidad, Benguet.
Nasa basement si Cul-iteng nang lumindol kaya mabilis itong tumakbo papalabas. Gayunman, naguhuan na ito ng gusali.
Matapos ang halos dalawang oras ay nahugot si Cul-iteng sa guho at isinugod sa ospital kung saan ito binawian ng buhay.
Sa bayan ng Pinukpuk, Kalinga, namatay naman si Jefferson Basar, 24, taga-Tandang Sora, Quezon City, matapos tamaan ng malaking tipak ng batong gumuho mula sa bundok.
Kabilang lamang si Basar sa mga trabahador na gumagawa ng rock netting sa gilid ng kalsada saSitio Bulalayao, Pantikian, Balbalan, Kalinganang magkaroon ng pagyanig.
Patay din ang estudyanteng si Jonalyn Siganay, 23, tubong Langiden, Abra at taga-Zone 5, Bangued, Abra nang madaganan ng gumuhong concrete fence habang tumatakbo papalayo sa kanilang boarding house nang maganap ang pagyanig dakong 8:45 ng umaga.
Sa naunang report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa 6.8-magnitude ang tumamang lindol sa Cordillera.