CAGAYAN -- Itinampok ng bayan ng Buguey ang pinakamahabang ihawan ng isdang malaga kasunod ng kanilang pagdiriwang sa isang kapistahan na ginanap sa Barangay Centro, Martes Hulyo 26, 2022.
Itinuturing na una sa Pilipinas, bida sa lugar ang pinakamahabang ihawan ng malaga o siganid, na ipinagmamalaking produkto ng Buguey.
Nasa 2,000 kilo ng isda ang inihaw na umaabot sa 350 metro ang haba.
Ang pag-ihaw ay ginanap sa dalampasigan habang ilang mga aktibidad ng bangkero ang inilunsad.
Ayon kay Mayor Licerio Antiporda, naisip nila ang malaga grill na tampok sa Malaga Festival, bukod pa sa Crab at Guraman Festival na kilala rin sa kanilang bayan, upang ipakita na ang malaga farming ay isang matagumpay na teknolohiya sa kanilang bayan.
Napansin din ng alkalde na sa Buguey lamang sa buong Region 2 ang mataas na produksyon ng isda.
Bagama't idineklara na ang Rehiyon 1 ang may pinakamataas na produksyon ng isda ng malaga ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sinabi naman ng alkalde na sa bayan ng Buguey lamang sa Cagayan may mataas na produksyon .
Hinimok ng alkalde ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamumuno nina Governor Manuel Mamba at Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na palawakin at magkaroon ng hatchery para sa mas maraming ani at produksyon.
At sa pamamagitan nito aniya, susuportahan din ang food security program ng gobyerno.
Nakasaad sa ulat mula sa Cagayan Provincial Information Office na pinaplano ng Buguey na magkaroon ng hindi bababa sa dalawang beses sa isang taon na ani ng malaga.
Isinaalang-alang din ng lokal na pamahalaan ng Buguey na magkaroon din ng malalaking freezer para sa pag-iimbak ng isda at para sa tuloy-tuloy na suplay sa merkado.
Tangka rin ng Banguey LGU ang titulo sa "Guinness Book of World Records" para sa 350-meter na inihaw na malaga ngayong taon, dagdag ng CPIO.