Isang university head mula sa China ang tinanggal sa puwesto matapos umanong gumastos ng 180M yuan o katumbas ng US$27M para sa "instant PhD" o doctorate degree ng kaniyang mga ipinadalang guro sa isang pamantasan sa Pilipinas; at matapos maka-graduate, ini-rehire sa kanilang pamantasan upang mapataas ang kanilang school ranking.

Ayon sa ulat ng South China Morning Post nitong Hulyo 25, sinibak sa puwesto si Peng Xilin, party secretary ng Shaoyang University na matatagpuan sa Hunan province ng China, matapos niyang i-rehire ang 22 gurong ipinadala niya sa Adamson University sa Maynila, matapos nilang makapagtamo ng doctorate degree sa loob lamang daw ng 28 buwang pag-aaral, na karaniwan ay nakukuha ng minimum na apat hanggang limang taon. Ginawa umano ito ng university head para mapataas ang kanilang school ranking.

Batay sa Hunan Provincial Education Department, hindi umano makatarungan ang ginawang hakbang ni Xilin at tinawag itong "inappropriate practices". Inilarawan din ang kaniyang ginawa bilang "“unscientific” at “imprecise”.

Kinuwestyon ng publiko ang kalidad at kakayahan ng mga gurong nakapagtamo ng "instant PhD" lalo na't ang suweldo nila ay pumalo sa 850K yuan (US$126K).

Ayon sa panayam ng pahayagan kay Xiong Bingqi, director ng Beijing-based 21st Century Education Research Institute, ang pagtatamo ng doctorate degree ay hindi basta-basta minamadali lalo na't kalidad ng pagtuturo at credential ng guro ang nakasalalay rito.

“Gaining a PhD is normally time-consuming, taking four or five years regardless of if it is at a domestic or overseas university. Besides, some teachers would leave for better jobs elsewhere after getting the degree,” aniya.

Sinubukang makipag-ugnayan ng Balita Online sa pamunuan ng Adamson University. Nangako naman silang magbibigay ng opisyal na pahayag hinggil sa isyu.