Usap-usapan ngayon ang umano'y pagwo-walk out daw habang naka-live telecast ang SMNI news anchor na si Mike Abe dahil sa umano'y mga pahayag ni Pastor Apollo Quiboly, ayon sa mga nakasaksing manonood ngayong Martes, Hulyo 26.

Nagkakadiskusyunan daw sina Abe at Quiboloy patungkol sa katatapos na "State of the Nation Address" ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. kahapon ng Lunes, Hulyo 25, 2022.

Si Abe, na masugid na tagasuporta ni PBBM, ay naniniwalang marami raw na positibong plano si PBBM sa ekonomiya ng bansa, batay sa mga nasabi nito sa SONA. Ayos lamang daw kung maraming mga hindi nabanggit ang pangulo gaya ng war on drugs, anti-corruption, paglaban sa komunismo, at iba pa.

Kinontra naman umano ito ni Pastor Quiboloy dahil wala umano itong silbi kung hindi mapupuksa ang insurgency sa bansa. Hindi umano ito nabanggit sa SONA ng pangulo. Sana raw ay binanggit ito ng pangulo dahil tila mawawalan daw ng pangil kung isasantabi lamang, lalo't nasimulan na umano ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Tila hindi umano "bumenta" kay Abe ang mga nasabi ni Pastor Quiboloy.

Maya-maya, nagpasalamat si Abe sa 15 taon niyang serbisyo sa SMNI. Hinubad daw niya ang kaniyang suot na lapel at saka nag-walk out. Tila nagdabog daw ito dulot ng mataas na emosyon.

Narito naman ang ilan sa mga komento at reaksiyon ng mga netizen.

"Bakit ka nagpapaalam ka Sir Mike? Araw-araw namin kayo pinapanood. We believe you are entitled to your opinion. Hope everything will be alright. Sana makapag-usap kayo nang mabuti at palilipasin lang kung ano man yung mga sama ng loob meron kayo sa isa't isa. Sayang yung na build ninyo na momentum sa SMNI. We pray that something good will come out of this."

"Masyadong balat-sibuyas si Mike Abe nasa trabaho siya dapat pinag-uusapan na lang sana nila 'yan after."

"I liked it that the Spokesperson of NTF-ELCAC has a broader understanding of PBBM's SONA and said so. While there are times that I also do not like the way Mike Abe does his spiels, I would also like to give him the benefit of the doubt. It isn't everyday that we have a good day, and that we also can reach our limits. Whatever, I would rather be kind to others, than judge."

Naging paksa rin ito ni "Thinking Pinoy" sa kaniyang YouTube channel na pinamagatang "Dramarama sa Umaga sa SMNI kanina charot".

Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang kampo ni Abe, ni Pastor Quiboloy, o ng SMNI hinggil sa isyung ito.