Sabayang inilunsad ng Department of Health (DOH) nitong Martes ng hapon sa buong bansa ang kanilang ‘PinasLakas’ booster vaccination campaign.

Katuwang ng DOH ang mga local government units (LGUs) sa launching ng naturang kampanya, na naglalayong makapag-administer ng COVID-19 booster shots sa 50% ng eligible population ng bansa sa susunod na tatlong buwan.

Sa National Capital Region (NCR), isinagawa ang launching ng PinasLakas sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Una nang sinabi ni DOH Officer-In-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire na ang “PinasLakas” Booster Vaccine Campaign ay naglalayong mabigyan ng booster shots ang 23.8 milyong eligible Pinoys sa loob ng unang 100 araw ng administrasyong Marcos.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon kay Vergeire, layunin rin nito na mabakunahan ang 90% ng target senior-citizen population group sa kahalintulad na petsa.

Sinabi na rin ng DOH na upang maabot ang naturang target, kailangan ng pamahalaan na magbakuna ng 397,334 indibidwal araw-araw sa loob ng 60 araw.

Ani Vergeire, sa pamamagitan ng PinasLakas campaign, gagawin ng pamahalaan na available at mas accessible ang mga bakuna, maging sa mga palengke, simbahan, malls, transport terminals, offices, mga pabrika, mga plaza at paaralan ang bakuna laban sa COVID-19.

Magbabahay-bahay rin aniya sila upang mas marami pang senior citizens o A2 population ang mabigyan ng bakuna.

Sa inilabas na datos ng DOH nitong Lunes, nabatid na mahigit sa 71 milyong indibidwal o 91.61% na ng target na populasyon ng pamahalaan ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 15.9 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.