Nakatakdang ilabas ng Department of Education (DepEd) ang kumpletong guidelines para sa pagpapatupad ng full face-to-face classes sa bansa para sa School Year 2022-2023 matapos ang Agosto 15.

Sinabi ni DepEd spokesman Michael Poa nitong Martes na sa ngayon ay pinaplantsa pa nila ang mga detalye para sa pagdaraos ng limang araw na in-person classes na inaasahang magsisimula sa Nobyembre 2.

Inaasahan aniyang matatapos nila ito hanggang sa Agosto 15 at agad ding isasapubliko.

Nauna rito, sa isang panayam sa telebisyon, ay natanong si Poa hinggil sa mga protocol na ipatutupad kung ang sakaling nakapag-enroll na ang bata para sa distance learning sa Pilipinas ngunit ito ay kasalukuyang naninirahan sa ibang bansa.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“Sa ngayon, we are still fine-tuning the details until August 15, maglalabas kami ng full details doon sa pagbabalik eskwela natin kung saan i-a-address din namin ‘yung mga tanong na ‘yan,” tugon naman niya.

Sinabi pa ni Poa na tinutukoy pa ng DepEd ang mga ispesipikong eksepsiyon na ipagkakaloob sa mga paaralan na hindi makapagpapatupad ng full face-to-face classes sa Nobyembre 2.

Paglilinaw naman niya, nananatili ang general rule na ang lahat ng paaralan ay dapat na nagdaraos na ng face-to-face classes simula sa nasabing petsa.

“Ang general rule natin is in-person talaga, mayroon lang sigurong mga exemptions kung hindi talaga kaya na in-person, doon lang tayo, papayag sa blended learning,” ani Poa.

Dagdag pa niya, upang matulungan ang mga paaralan sa transisyon sa full in-person classes, maaari silang magpatupad ng blended learning o maging distance learning hanggang sa Oktubre 31.