Iniulat ng Department of Education (DepEd) na umaabot na sa mahigit 2.8 milyong estudyante na mula sa iba’t ibang lugar sa bansa ang nakapagpatala, sa unang araw pa lamang ng enrollment para sa School Year 2022-2023.

Sa inilabas na datos ng DepEd nitong Martes, nabatid na umaabot sa 2,808,779 na ang kabuuang bilang ng mga estudyanteng nagpa-enroll para sa susunod na pasukan, hanggang alas-7:35 ng gabi pa lamang ng Lunes, Hulyo 25, 2022.

Ayon kay DepEd spokesperson Atty. Michael Tan Poa, mas maganda ang turnout ng enrollment ngayon kumpara noong nakaraang taon, kung kailan aabot lamang sa halos 200,000 mag-aaral ang nagpatala sa unang araw ng enrollment.

Karamihan rin aniya sa mga mag-aaral ay personal na nagtungo sa mga paaralan upang magpatala, kahit pinapayagan pa rin ang online enrollment at pagpapatala sa pamamagitan ng drop box form.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Inaasahan rin aniya ng DepEd na aabot sa 28.6 milyong mag-aaral ang magpapatala sa mga paaralan ngayong taon.

Samantala, iniulat naman ng DepEd na wala silang natanggap o na-monitor na anumang major issues o untoward incidents sa idinaraos na enrollment process.

Pinasalamatan rin ng ahensiya ang kanilang mga personnel, volunteers at mga stakeholders para sa maayos at mapayapang proseso ng enrollment.

“DepEd will continue to support its field offices and the schools for the entire duration of the enrollment period, in anticipation of the expected higher enrollment turnout for this school year with the gradual return to in-person classes,” ayon pa sa kagawaran.

Alinsunod sa DepEd Order Number 35, ang enrollment period para sa SY 2022-2023 ay mula Hulyo 25, 2022 hanggang Agosto 22, 2022 lamang.

Anang DepEd, ang enrollment ay maaaring idaos sa pamamagitan ng in-person, remote, o drop box forms.

Maging ang Alternative Learning System (ALS) learners naman ay pinapayagan na ring magsagawa ng in-person o online enrollment.

Una na ring sinabi ng DepEd na ang blended learning at full distance learning ay pahihintulutan na lamang hanggang sa Oktubre 31 habang pagsapit ng Nobyembre 2 ay kailangang nagdaraos na ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa ng limang araw na full face-to-face classes.

Ang SY 2022-2023 ay magsisimula sa Agosto 22, 2022 at magtatapos sa Hulyo 7, 2023.