Diretsahang binatikos ni Cristy Fermin ang It’s Showtime host na si Vice Ganda matapos ang umano’y isyu ng parinigan na kinasangkutan ni Bayani Agbayani ng Tropang LOL.
Tirada ni Cristy sa kaniyang programa nitong Martes, “Wala na bang ibang pwedeng magsalita maliban sa kaniya?” sey ni Cristy habang ipinunto ang umano’y pailalim at sarkastikong mga tugon ni Vice Ganda.
Matatandaan ang umano’y pagpalag ni Vice sa isyu ng pagpaparinig umano ni Bayani kamakailan, bagay na hindi naman nakumpirma ng dalawang panig.
Sey ni Cristy sa Unkabogable Star: “Naabot na ni Vice Ganda ang kaniyang pangarap. Sobra pa sa kaniyang pangarap ang ibinigay sa kaniya ng kaniyang kapalaran. Ang alam ko, sa mga matatagumpay na tao parang kawayan, habang lumalago ang pangarap at pamumuhay, bumababa, yumuyukod. Pero bakit, nakamit na lahat, napakayabang pa rin?”
“Bakit bumibili ka pa ng kaaway? Bigyan mo ng pagkakataon ang mga kasamahan mo na magsalita, hindi ‘yung ikaw ang kumukuda,” dagdag ng showbiz commentator.
Depensa ni Cristy, hindi aniya kilala ni Vice ang pagkatao ng kapwa komedyante.
“Si Bayani pa ang pinagtripan mo? Kilala mo nang personal ‘yong tao na tinutukoy mo? Si Bayani ang pinaka-peacemaker sa lahat ng mga komedyante,” saad ni Cristy.
“Kung si Billy Crawford pa ang nagsalita, go ahead, may kaangasan ‘yan. Pero si Bayani Agbayani na tagapagtulay sa mga paksyon na hindi nagkakasundo. Si Bayani Agbayani na secure na secure sa kaniyang buhay at at sa kaniyang karera. Si Bayani Agbayani na ni wala kang maririnig na pintas o paninira sa kaniyang kapwa, siya pa ngayon ang binabash dahil ngayon sa mga kuda ni Vice. Nagkamali ka sa tutukuyin mo,” saad ni Cristy.
Nauna nang nagbigay rin ng simpatya ang talent manager na si Ogie Diaz sa usapin kung saan isang teyorya ang nabuo niya na at aniya'y maaaring nag-ugat lang sa ‘di pagkakaunawaan ng dalawang panig ang isyu.
Ani Ogie, maaaring para talaga sa netizens ang naging pahayag ni Bayani na nagpaparatang sa kanilang lumapagpas sila sa kanilang oras dahilan para late na pumasok ang It’s Showtime.
“But the truth is, 11’oclock up to 12:45 [pm] ang [Tropang] LOL, na dati 12 [pm]-2 [pm], so two hours [noon]. Ito ngayon, 1 [hour] and 45 [minutes], hindi sila nag-o-overtime. Kasi baka feeling nila hanggang 12 [pm] lang ‘yun…feeling daw ng ilang fans, sumosobra sila,” ani Ogie.