Dumalo si Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte sa pagbubukas ng 19th Congress sa Batasang Pambansa ngayong Lunes, Hulyo 25, 2022, para naman sa unang "State of the Nation Address" o SONA ng kaniyang kaalyadong si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

Makikitang kasama niya sa litrato ang kaniyang kapatid na si Davao City First District Representative Paolo Duterte. Ang suot ni VP Sara ay tradisyunal na kasuotan ng mga Bagobo Tagabawa mula sa Southern Mindanao.

Ayon sa mga ulat, hiniram umano ni Duterte ang katutubong kasuotan mula sa deputy mayor ng tribo na si Bae Sheirelle Antonio, dahil gahol na raw sa oras kung magpapagawa pa nito. Karaniwang umaabot daw sa halos isang buwan ang paglikha ng ganitong uri ng kasuotan, ayon sa tagapagsalita ng Pangalawang Pangulo na si Reynold Munsayac.

Buo umano ang suporta ni Duterte kay Pangulong Marcos kaya dadalo siya sa SONA nito.

"I have given my vote to him, and I’ve announced this publicly during the kickoff of my campaign. I am sure that he will do good things for the country and the people,” aniya.