Matagal na umanong pinaghahanap ng batas ang suspek sa insidente ng pamamaril sa Ateneo de Manila University (ADMU) nitong Linggo ng hapon, ayon sa pahayag isang abogado nitong Lunes.
Ayon kay Atty. Quirino Esguerra, tagapagsalita ng pamilya ng dating mayor ng Lamitan sa Basilan na si Rose Furigay na kabilang sa napatay ng suspek na si Dr. Chao Tiao Yumol, 38, nasa walong warrant of arrest ang nailabas ng hukuman laban sa huli sa kasong cyberlibel at indirect contempt.
Sa panayam sa telebisyon, inihayag ni Esguerra na nakapagpiyansasi Yumol noong Enero para sa pansamantalang kalayaan nito.
"Itong akusado, itong gunman na ito ay a fugitive or in hiding since January 2021. Nag-jump po ito ng bail.Kami po ay nagtataka bakit hindi ito nahuli. Meron po siyang 8 warrants of arrest — 7 sa cyberlibel cases, 1 case dun sa indirect contempt," dagdag ng abogado.
Isinampa ang ilang cyberlibel laban kay Yumol matapos umano nitong isangkot sa bentahan ng iligal na droga ang pamilya ni Furigay.
Nag-ugat umano ang usapin nang ipasara ng Lamitan government ang clinic ni Yumol na nag-o-operate kahit walang permit.
Nahaharap pa rin aniya si Yumol sa indirect contempt dahil sa "malisyosong" post umano nito laban sa hukom ng Zamboanga City Regional Trial Court.
Ang naturang huwes aniya ang humatol kay Yumol na makulong ng hanggang dalawang buwan at multang₱30,000.
Itinanggi na ng abogado ang alegasyon ni Yumol laban sa pamilya Furigay.
Matatandaangbukod kay Furigay, napatay din sa pamamaril ni Yumol sa loob ng ADMU ang long-time aide ni Furigay at isang security guard ng nabanggit na paaralan nitong Linggo ng hapon.
Sugatan sa insidente ang anak ni Furigay na si Hannah na kabilang sana sa dadalo sa kanilang graduation ceremony sa naturang lugar nang maganap ang insidente.,