Pumanaw na ang beteranong komedyante na si Carlos "Caloy" Alde o nakilala bilang si "Ogag", Hulyo 24, 2022.
Nakilala si Alde noong 90s bilang si "Ogag", isang comedy show sa ABC-5 (TV5 ngayon) na katumbas naman ni "Mr. Bean" dito sa Pilipinas.
Nakasama rin siya sa iba pang mga comedy shows ng naturang network gaya ng "Lokomoko" at "Star Confession".
Hindi na binanggit ng kaniyang pamilya ang mga detalye o dahilan ng kaniyang pagpanaw.
Bumaha naman ng tribute at makabagbag-damdaming mensahe ang mga kaibigan at nakatrabaho sa showbiz, sa wall post ng kaniyang Facebook account.
"Rest in peace, Kuya Caloy! Nakaka-miss yung mga banat mong kanta na ikaw lang may alam ng lyrics, nag-iisang Mr. Bean ng Pilipinas!"
"Nakakalungkot na kaunti lang nakakaalam ng pagkamatay mo kahit maraming tao ang iyong pinatawa. Salamat sa lahat ng halakhak Caloy. Ang nag-iisang Ogag ng Pinas."
"Isa sa mga pinaka-tinitingala ko sa entertainment industry, walang tulad ang comedy mo, isang karangalang makatrabaho ang isang katulad mo Kuya Caloy, Carlos Alde aka OGAG ng Pinas!!"
"#RIP Kuya Caloy Carlos Alde… wala nang sisigaw ng tape rolling, sabay pagulong ng masking tape… Wala na rin pustiso na itatago ni Kuya Long… Wala na ka-jamming si Empoy sa pag nap."
Hindi pa tiyak kung saan isasagawa ang burol at kung kailan ihahatid sa huling hantungan ang mga labi ni Alde.