Ibinahagi ng actress-vlogger na si Rica Peralejo ang malungkot na balita hinggil sa kaniyang pangatlo sanang pagdadalantao, subalit hindi na natuloy.

"Pasensya na kayo medyo sad yung news ko today," saad ni Rica sa kaniyang latest vlog. Minabuti ng vlogger na ibahagi ang malungkot na balita sa kaniyang subscribers dahil alam niyang mayroong iba sa kanila na makaka-relate sa kaniyang karanasan.

Para kay Rica, grabe ang 2022 sa kaniya dahil bukod sa pagkawala ng kaniyang pangatlong baby sana, ay pumanaw din ang kaniyang ate.

Pangalawa, dinamdam din ni Rica ang pagkatalo sa halalan ni Vice Presidential candidate Atty. Leni Robredo. Matatandaang isang Kakampink si Rica na lumahok sa ilang mga sortie ng Leni-Kiko tandem upang ikampanya sila.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

"Ang sakit naman ng taon na ito, ang dami kong (hiniling na) miracles na hindi nangyari," saad ni Rica.

Ayon sa kuwento ni Rica, naipakita pa niya sa kaniyang mister na si Joseph Bonifacio ang home pregnancy test niya, na may dalawang guhit; ibig sabihin, positibong nagdadalantao siya. Ito umano ang naging regalo niya sa mister para sa pagdiriwang ng "Fathers' Day".

Inakala raw ni Rica na nakararanas na siya ng pre-menopausal symptoms dahil hindi siya dinatnan. Sa kasalukuyan, siya ay 41 anyos na. Isa pa, negatibo ang naging resulta ng kaniyang unang pregnancy test.

Ngunit hindi matahimik si Rica kaya pagkatapos ng isang linggo ay muli siyang bumili ng home pregnancy test upang mas makatiyak.

"Hayun na, nagpositive na siya!" sey ni Rica. Hindi raw siya makapaniwalang posible pa siyang magbuntis dahil sa kaniyang edad. Ito raw ang unang beses na hindi sila sumubok na magka-anak subalit may nakalusot. Sa katunayan, napag-uusapan na nga nila ng mister kung paano mapipigilan na ang kaniyang pagbubuntis. Sila ay biniyayaan ng dalawang anak na lalaki: sina Philip at Manu.

Ito na ang pangatlong beses na nakunan ang aktres. Ibinahagi ni Rica ang kaniyang mga pinagdaanan hinggil dito. Kung tatanungin siya, gusto raw niya nang maraming-maraming anak, subalit kailangan din nilang ikonsidera ni Joseph ang kaniyang kalagayan.

Kaya nang malaman niyang mag-asawa ang kaniyang latest sanang pagbubuntis ay hati ang kanilang naging damdamin dito; masaya subalit may kaba pa rin dahil nga sa mga nangyari sa kaniya.

Noong una ay nakararanas pa siya umano ng mga senyales ng pagbubuntis at pakiramdam niya ay may lumalaki sa kaniyang sinapupunan. Ngunit sa tuwing nagtutungo sila sa OB Gyne upang magpa-check up at magpa-ultrasound, hindi pa rin umano makita ang pagbuo ng embryo.

Hanggang sa unti-unting nawala ang mga senyales ng kaniyang pagbubuntis at nakaranas siya ng matinding pagdurugo. Dito na napagtanto at unti-unting tinanggap ni Rica na hindi mabubuo ang pangatlo sana nilang baby.

Sa pagkakataong ito, mas kalmado at mapayapa nang hinarap ni Rica ang karanasang ito. Nanalangin na lamang siya sa Diyos na sana ay gabayan at tulungan siyang mas maging maayos ang pagtanggap sa pagbubuntis na nagmintis sa pangatlong pagkakataon.

&t=1185s