Umarangkada na ngayong Lunes, Hulyo 25, ang enrollment para sa School Year 2022-2023.
Batay sa Department of Education (DepEd) Order No. 35, ang enrollment period ay idaraos hanggang sa Agosto 22, 2022 lamang.
Hinikayat rin naman ng DepEd ang mga magulang na maagang ipatala ang kanilang mga anak sa eskwela.
“Umpisa na ng enrollment para sa SY 2022-2023 ngayong araw! Maaari nang magpatala sa inyong dati o napiling paaralan simula ngayong araw hanggang Agosto 22, 2022,” anunsiyo pa ng DepEd nitong Lunes, sa kanilang Facebook page.
Nagpaalala rin naman ang DepEd na mayroong tatlong pamamaraan sa pagpapatala ngayong taon,
Kabilang anila dito ang in-person, remote, at dropbox enrollment.
“Dagdag pa rito, ang ating mga Alternative Learning System (ALS) learners ay maaari na ring magpatala nang in-person o digital,” anang DepEd.
Upang masiguro namang protektado ang mga magpapatala ng in-person, pinaalalahanan rin ng DepEd ang mga magpapatala na huwag kalimutang sundin ang umiiral na health and safety protocols laban sa COVID-19, gaya nang pagsusuot ng face mask at pagpapanatili ng physical distancing.
Ang SY 2022-2023 ay nakatakdang magbukas sa Agosto 22 at magtatapos sa Hulyo 7, 2023.
Anang DepEd, maaari na lamang magdaos ang mga paaralan ng blended learning schedules at full-distance learning hanggang sa Oktubre 31.
Pagsapit naman ng Nobyembre 2, ang lahat ng public at private schools ay dapat na nagdaraos na ng limang araw na in-person classes.