Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Lunes na tuluy-tuloy lang ang pagkakaloob ng lungsod ng primera klaseng serbisyong pangkalusugan sa mga residente nito.
Ang pahayag ay ginawa ng alkalde makaraang tumanggap ng pinakamataas na komendasyon ang Sta. Ana Hospital (SAH) na pinamumunuan ni Dr. Grace Padilla bilang director, mula sa Department of Health (DOH).
Matatandaang ang SAH ay nagsilbi bilang sentro ng COVID sa lungsod noong kasagsagan ng pandemya.
Nabatid na binisita ni DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Singh - Vergeire, ang SAH, kasama sina Lacuna, Padilla at Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, upang makita ang newly-improved facilities at state-of-the-art premises ng pagamutan.
Ani Padilla, partikular na binisita ni Vergeire ang vaccine cold storage facility, physical rehabilitation area at dialysis center at natuwa dahil ang SAH ang unang ospital na binisita ng pinuno ng DOH.
Tiniyak naman ni Lacuna kay Vergeire na ang SAH ay nagbibigay ng full coverage sa lahat ng pasyente bilang bahagi ng layunin ng DOH na magkaroon ang lahat ng akses sa quality at holistic healthcare services.
Nagpasalamat naman si Vergeire kay Lacuna at sa mga opisyales at kawani ng SAH dahil sa pagpapakita ng ‘excellency’ at inobasyon, na nagpapatunay sa patuloy na pagkakaloob ng de kalidad na healthcare para sa mga mamamayan.
Labis rin namang nagpasalamat si Padilla at sinabing sila ay, “grateful, honored and humbled by the hospital visit and heartwarming words of our OIC, DOH Sec. Maria Rosario Vergeire," at sabay pagbati sa buong Team Sta Ana Hospital para dito.
Kaugnay nito, nabatid na bukod sa SAH, binisita rin ni Vergeire ang COVID-19 Field Hospital na pinamumunuan ni Dr. Arlene Dominguez.