Patay ang isang kelot nang pagsasaksakin ng kaniyang kapitbahay dahil lamang umano sa ingay na nagmumula sa kaniyang tahanan sa Port Area, Manila nitong Linggo ng gabi.
Dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Cesar Tiodanco, 55, ng #001 Block 9, Tambakan, Baseco Compound, Port Area, habang arestado naman ang suspek na si Joel Alejandro, 44, pintor, at kapitbahay ng biktima.
Batay sa ulat ni Pat Andrew Vince Remollino ng Baseco Police Station 13 (PS-13) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob mismo ng tahanan ng biktima.
Sa salaysay sa pulisya ni Lina Tiodanco, 59, kapatid ng biktima, bago ang krimen ay bigla na lang umanong pumasok sa kanilang tahanan ang suspek at inirereklamo ang ingay na nagmumula sa kanilang bahay.
Nauwi umano sa mainitang pagtatalo at suntukan ang insidente.
Sa kasagsagan ng suntukan ay bigla umanong bumunot ang suspek ng kutsilyo na may habang 10 pulgada at itinarak ito sa kanang bahagi ng dibdib ng biktima.
Tinangka pang tumakas ng suspek ngunit naaresto siya ng mga tauhan ng Seawall Police Community Precinct (PCP) na nagkataong nagsasagawa ng police area monitoring sa naturang lugar.
Isinugod naman ng mga kaanak ang biktima sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot pa ng buhay.
Ang suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong pagpatay sa piskalya.