Umaabot sa halos tatlong milyong bagong botante ang naitala ng Commission on Elections (Comelec) sa katatapos na voter registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa bansa.

Batay sa datos ng Comelec na inilabas nitong Lunes, umaabot sa kabuuang 2,936,979 bagong botante ang nadagdag sa voters list ng poll body sa loob ng 18-araw lamang na rehistruhan.

Nabatid na kabilang dito ang 1,814,907 na nasa 15-17 taong gulang;  936,418 na nasa 18-30 taong gulang; at 158,654, na nagkaka-edad ng 31-taong gulang pataas.

Sa kabuuan, umabot umano sa 3,900,250 aplikasyon ang naproseso ng Comelec.

“Record breaking po ang 18 days na voter’s registration na naganap sa ikalawang pagkakataon sa loob ng pandemiya,” ayon naman kay election spokesperson John Rex Laudiangco.

Bukod sa aplikasyon ng mga bagong botante, prinoseso rin ng Comelec ang aplikasyon ng mga nais i-reactivate ang kanilang rehistro, pagpapalipat sa ibang lugar o presinto, at aplikasyon mula sa overseas voting tungo sa local voting.

Ang voter registration ay isinagawa mula Hulyo 4 hanggang 23, 2022 lamang.

Ang Barangay at SK polls ay nakatakda namang idaos sa Disyembre 5, 2022.