Nagpasya ang Quezon City government na kanselahin ang pasok sa pribado at pampublikong paaralan sa Quezon City kaugnay ng State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos, Jr. sa Lunes, Hulyo 25.
Ang hakbang ng local government ng lungsod ay alinsunod sa executive order ni Quezon City Joy Belmonte nitong Sabado.
Gayunman, ipaiiral pa rin ang half-day sa trabaho sa lahat ng opisina ng Quezon City Hall sa nabanggit na petsa.
Nangangahulugan walang pasok ang lahat ng kawani ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, maliban na lang sa mga kawani sa "essential services" tulad ng traffic management, health and rescue, law enforcement, at disaster response.
Una na nang pinayagan ni Belmonte ang mga raliyista na magsagawa ng mga kilos-protesta sa araw ng SONA ni Marcos. Pinayagan din ang mga tagasuporta ni Marcos na magsagawa ng pagtitipon sa lungsod.
Sa Lunes ng hapon nakatakdang ibigay ni Marcos ang kaniyang unang SONA sa una ring joint session ng Senado at Kamara sa Batasang Pambansa.
Ilang araw bago maisagawa ang SONA ni Marcos, pinulong na ni Belmonte ang mga tauhan nito hinggil sa plano nito sa pagdaraos ng SONA ng Pangulo.