Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Linggo na mayroong 10 lugar sa bansa ang nakapagtala na ng mahigit sa 20% o “very high” na one-week Covid-19 positivity rates noong Biyernes.

Batay sa datos ng OCTA, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Linggo, nabatid na kabilang sa mga lugar na nakapagtala ng ‘very high’ na positivity rates na mahigit 20% hanggang noong Hulyo 22, kumpara noong Hulyo 16, ay ang Cavite, Laguna, Rizal, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Aklan, Antique, Capiz, at Isabela.

Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento ng mga tao na nagpositibo sa Covid-19, mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinailalim sa pagsusuri.

Bagamat bumaba ang positivity rate, ang Aklan pa rin ang nangunguna sa listahan, na mula sa 35% noong Hulyo 16, ay nasa 32.6% na lamang noong Hulyo 22.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinundan ito ng Capiz na may 31.9%, Nueva Ecija na may 30.5%, Isabela na may 27.8%, Pampanga na may 26.1%, Laguna na may 26%, Cavite na may 24.5%, Tarlac na may 24%, Rizal na may 22.8%, at Antique na may 22.2%.

Samantala, batay sa naturang datos, ang one-week positivity rate sa National Capital Region (NCR) ay tumaas rin naman ng mula 12.7% noong Hulyo 16 ay naging 14% na lamang noong Hulyo 22.

Una nang iniulat ni David noong Biyernes ng gabi, na tumaas na sa 16% ang daily Covid-19 positivity rate sa NCR.