Nagdulot ng katatawanan sa social media ang Facebook post ng netizen na nagngangalang Rowell De Dios, matapos niyang ibahagi ang isang litrato ng kaniya umanong resignation letter para sa kompanyang pinagtatrabahuhan.
"Sorry, buo na desisyon ko. — feeling blessed," saad sa caption ng kaniyang Facebook post noong Hulyo 18, 2022.
Mababasa sa naturang resignation letter ang prangka at diretsahang dahilan kung bakit siya magbibitiw sa kaniyang trabaho: kailangan na niyang mag-asawa dahil nahuhuli na siya sa batchmates niya sa paaralan.
"Dear Mam/Sir"
"Mag-aasawa na huli na ako sa mga kabatchmate ko."
Hindi naman malinaw kung totoo bang isinumite niya ito sa kaniyang boss o nagbibiro lamang siya. Subalit pumatok naman ito sa mga netizen at nagtamo ng 3.6K reactions, 1.2K comments, at 6K shares.
"Lahat ba nagresign na hahaha," natatawang saad ni Rowell sa comment section.
Ngunit paano nga ba gumawa ng isang maayos na resignation letter?
Ang resignation letter ay isang pormal na liham na naka-address sa may-ari ng kompanyang tumanggap sa empleyado noong nag-aaplay ito, at naka course through din sa direktor o puno ng Human Resources Department.
Kahit na hindi maganda ang naging karanasan o dahilan ng pag-alis sa kompanya, marapat lamang na magpasalamat pa rin dahil sa pagtanggap ng kompanya, noong panahong naghahanap at kinakailangan ng trabaho.
Maaaring banggitin ang dahilan kung bakit magbibitiw sa trabaho, o kung ano ang oportunidad na naghihintay sa labas ng kompanya.
Kinakailangang lumitaw pa rin ang pagiging magalang sa laman ng resignation letter upang maging "graceful exit" pa rin kung talagang desidido nang magbitiw sa trabaho.