Ipinag-utos na ng Department of Education (DepEd) ang pagbabalik ng in-person enrollment para sa School Year 2022-2023.

Nakasaad ito sa DepEd Order No. 35, series of 2022, na nilagdaan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, at isinapubliko nitong Sabado.

Alinsunod sa kautusan, nabatid na ang enrollment period sa mga pampublikong paaralan ay sisimulan mula Hulyo 25 hanggang Agosto 22.

Anang DepEd, maaaring magdaos ang mga paaralan ng in-person enrollment o pagtungo ng mga magulang sa mga paaralan upang ipatala ang kanilang mga anak sa eskwela, kahit ano pa ang alert level ng COVID-19 na umiiral sa lugar kung saan ito matatagpuan.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Paalala naman ng DepEd, dapat na tiyakin na istriktong naoobserbahan ang minimum health and safety standards upang maiwasan ang posibleng hawaan ng COVID-19.

Bukod naman sa in-person enrollment, sinabi ng DepEd na ipaiiral pa rin ang remote enrollment at enrollment sa pamamagitan ng dropbox forms, na siyang ginamit nila sa nakalipas na dalawang taon, dahil na rin sa umiiral na mga health restrictions.

Matatandaang ang SY 2022-2023 ay itinakda ng DepEd sa Agosto 22, 2022 hanggang Hulyo 7, 2023.

Ayon kay Duterte, ang combined in-person classes at distance learning ay maaaring ipatupad sa mga paaralan mula Agosto hanggang Oktubre lamang.

Gayunman, pagsapit ng Nobyembre, ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ay dapat aniyang nagdaraos na ng limang araw na face-to-face classes.

Nanindigan ang bise presidente na maaari nang ibalik sa normal ang klase ng mga bata ngayong kabisado na ng mga mamamayan ang health and safety protocols, at mayroon na ring mga gamot at bakuna laban sa COVID-19.