Nag-deploy na ang Department of Health (DOH)- Ilocos Region ng mga “social mobilizers” upang mapataas pa ang Covid-19 vaccination rate sa rehiyon.
Nabatid na ang mga naturang social mobilizers ay inatasang magkaloob ng special assistance at tumulong sa pagkumbinsi ng mga tao para tumanggap na ng libreng bakuna laban saCovid-19.
Magsasagawa ang mga ito ng house-to-house information campaign, kabilang na ang office at school visits, at ipaliliwanag ang mga side effects, advantage at mga benepisyong makukuha nila mula saCovid-19vaccine.
Sa sandaling makumbinsi ang mga tao na magpabakuna ay kaagad nang magpapadala ang DOH ng vaccination team sa mga tahanan at workplace upang magkaloob ng bakuna.
Aalamin rin umano ng mga naturang social mobilizers ang mga kadahilanan kung bakit mayroong mababang acceptance ng vaccination sa mga komunidad.
“Malaking challenge ito sa kanila (social mobilizers) dahil kailangang nilang makumbinsi ang mga ayaw magpabakuna at takot magpabakuna. We really need everyone’s help to convince them and provide them the protection they need against the virus, especially now that cases are already on the rise,” ayon kay Regional Director Paula Paz Sydiongco.
Tiniyak naman ni Sydiongco na, “Nabigyan na natin ang mga kailangang mabigyan ng bakuna at patuloy pa rin ang vaccination activities sa mga barangay kasama ang ating mga lokal na pamahalaan sa mga malls, marketplace, covered courts, plazas, bus terminals and iba pang accessible na pampublikong lugar.”
“We have provided vaccination posts in all areas where people can conveniently come and get their booster shots,” aniya pa.
Sinabi pa ni Sydiongco na ang pagkuha ng mga social mobilizers ay isinagawa nila sa pakikipagtulungan ng United Nations Children’s Fund (UNICEF).
Ide-deploy aniya ang mga social mobilizers sa mga lalawigan ng La Union at Pangasinan.
Nabatid na hanggang noong Hulyo 22, 2022, ang Ilocos region ay nakapagbakuna na ng 3.7 milyong indibidwal o 86.9% habang nasa 904,964 o 21.9% pa lamang ang nakatanggap na ng kanilang unang booster dose.
Nakatakda naman nang ilunsad muli ng DOH ang kanilang nationwide campaign sa Hulyo 26, 2022 na tinatawag na “PinasLakas”Covid-19vaccination drive na ang layunin ay makapagbigay ng primary doses sa 90% ng target elderly population at mabakunahan ang 50% ng target population ng unang first booster dose.