Umapela ang Department of Health (DOH) sa publiko na sumunod sa health and safety protocols na ipinaiiral ng pamahalaan laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) upang protektahan ang kanilang sarili, sakaling makapasok na sa bansa ang monkeypox.

Muli rin namang inilabas ng DOH ang isang public health advisory para sa monkeypox nitong Sabado ng gabi, ilang oras matapos na magdeklara ang World Health Organization (WHO) isang "public health emergency of international concern,” na pinakamataas na alarma na maaari nitong ipalabas laban sa naturang virus.

Ayon sa DOH, gaya ng minimum public health standards para sa Covid-19, ang mga pamamaraan upang maiwasan ang hawaan ng monkeypox ay kinabibilangan ng pagsusuot ng mga best-fitted mask, pagtiyak ng good airflow, pagpapanatiling malinis ang kamay at pagsunod sa physical distancing.

Sinabi rin ng ahensiya na ang smallpox vaccine ay napatunayang ‘85%’ na epektibo para makaiwas sa monkeypox.

“Sa interes na protektahan ang publiko mula sa sakit at sa maling impormasyon, muling ibinabahagi ng DOH ang advisory na ito sa Monkeypox na inilabas noong Mayo 26, 2022,” anang DOH, sa isang Facebook post.

“Kamakailan lamang, in-optimize na ng DOH-Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang Real-time PCR (Polymerase Chain Reaction) assay nito para sa pag-detect ng #Monkeypox Virus bilang bahagi ng pambansang paghahanda at pagtugon. Ang mga surveillance system ng DOH ay aktibong sinusubaybayan ang sitwasyon,” sabi pa ng ahensya.