Camp Saturnino Dumlao, Bayombong -- Inaresto ng Philippine National Police (PNP) ang isang lalaking nagpanggap na NBI agent at lumabas na sangkot sa pagpatay sa Aritao, Nueva Vizcaya.
Kinilala ni Provincial Director Col. Ranser Evasco ang suspek na si Francisco Agustin Tabila, alyas Francis, 53, at residente ng Brgy. San Juan Licab, Nueva Ecija.
Ayon sa ulat, binaril ng suspek ang biktima na si Ronel Alfar, 47, residente ng Bonagabon, Nueva Ecija noong Hulyo nakaraang taon.
Iniulat na nakikipagtalo umano ang suspek sa biktima na nauwi sa pamamaril. Nagtamo ng tama ng bala ang biktima na nagresulta sa kaniyang kamatayan sa ospital.
Sinabi ng pulisya ng Nueva Vizcaya na matagumpay na naaresto ang suspek matapos ang isang taong pagtatago nito sa batas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Aritao Police Station ang suspek para sa documentation at imbestigasyon. Kakasuhan ito ng kasong homicide.