Diretsang sinabi ng unang Pinay Olympic gold medalist at weightlifting star na si Hidilyn Diaz na handa na siyang maging isang ina, ilang araw bago ikasal sa kaniyang coach-fiancé na si Julius Naranjo sa darating Hulyo 26.
Ang power couple ang pinakahuling guest ni Karen Davila sa kaniyang YouTube vlog nitong Sabado, Hulyo 23.
Sa panayam ng broadcast journalist, muling binalikan ni Hidilyn at Julius ang pinagdaanang mga sakripisyo bago naging matagumpay ang kanilang relasyon.
Tubong Guam si Julius bago naging isa sa mga tagapagsanay ni Hidilyn.
Taong 2017 nang magkakilala ang dalawa sa naganap na Asian Indoor and Martial Arts Games sa Turkmenistan kung saan naging kinatawan si Naranjo ng bansang Guam sa weightlifting sports bago ito magretiro.
Pagbabahagi ni Hidilyn, si Julius ang nagsilbing sandigan niya nang maranasang maging sawi sa pag-ibig noong panahon na iyon.
Taliwas sa tradisyon, si Hidilyn din ang unang nagtanong kay Julius kung gusto ng noo’y kapwa weightlifter ang Pinay athlete, bagay na positibo namang tinanggap ni Julius noon.
Muli ring binalikan ng dalawa ang mga naging sakrispisyo ni Julius nang magdesisyong iwan ang bansang Guam para maging isa sa mga trainer ni Hidilyn.
Mula noon, naging katuwang na ni Hidilyn si Julius hanggang sa makamit nito sa wakas ang makasaysayang Olympic gold medal noong sa 2020 Tokyo Summer Olympics noong 2021.
Pagbubulgar ni Hidilyn, handa na rin aniya siyang bumuo ng sariling pamilya.
“We’re planning to have a family soon. Ako gusto na. Pero we’re still aiming for Paris 2024,” saad ni Hidilyn.
Dagdag niya, “Ako kasi as a person kapag pinili ko, nandun na, committed ako.”
Sa kasalukuyang disposisyon ngayon ni Hidilyn, mas pipiliin na niya ang pagsasama nila ni Julius kesa sa kaniyang maningning na karera.
“’Yung marriage [ang pipiliin ko]. Kasi nanalo na ako ng gold. Then, kung manalo sa Paris, good. Pero ‘yung marriage kasi kasa-kasama ko siya hanggang sa pagtanda. Mahirap maghanap ng ‘the one’ na makakaintindi sa’yo. Ito na ‘yung masasabi ko na, ‘Kailangan kong alagaan. Kailangan ko na bigyan ng halaga,’” siguradong sagot ni Hidilyn.
Gagyunpaman, nilinaw ni Hidilyn na magpapatuloy pa rin ang kaniyang karera pagkatapos ng kaniyang kasal.
Sa katunayan, target ngayon ng Pinay weightlifter ang gold medal sa 2024 Paris Olympics, na aniya’y parehong challenging sa naging pagsabak niya sa 2020 Tokyo Summer Olympics.
“I have to move up ‘yung body weight syempre kailangan ko lumakas ng plus 20kg-30kg,” saad ni Hidilyn habang ipinuntong nasa 59 kg na ang target na kailangang mabuhat sa Paris Olympics kumpara sa 55 kg sa Tokyo Olympics.
Mukha mang imposible, sa tulong aniya ng Team HD [Hidilyn Diaz] at ni Julius na magsisilbi na ring head coach ng atleta, kakayanin umanong masungkit muli ang panibagong gold medal.
Nakatakdang ikasal sina Hidilyn at Julius sa darating na Hulyo 26 sa Philippine Military Academy sa Baguio, eksaktong isang taon matapos masungkit ng Pinay weightlifter ang makasaysayang kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa.