Isang Grab driver ang inulan ng papuri at paghanga matapos niyang isauli ang tumataginting na ₱1.6M na naiwan ng kaniyang pasaherong banyaga, sa loob ng kaniyang minamanehong sasakyan.

Hindi nagpatumpik-tumpik ang Grab driver na si Juan Carlos Martin ng Tondo, Maynila, na makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang maibalik ang perang naiwan ng kaniyang pasahero, na noong una ay hindi niya alam kung magkano ba ang kabuuang halaga.

Miyerkules, Hulyo 20, mga pasado alas otso ng gabi nang may magpa-book sa kaniya. Ang pick-up point daw ay sa Parañaque City at sa SM Mall of Asia naman ang drop off point.

Hindi pa man sila nakakalayo, sinabihan na siya ng dayuhan na bumalik sila sa lugar kung saan siya nito isinakay. Tumalima naman ang Grab driver sa pag-aakalang may naiwanan lamang ang dayuhan.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Pagkatapos niyon ay sinabihan siya ng dayuhan na umandar na at ibigay ang bag sa kaniyang kaibigan nito na siya talagang magiging pasahero ng Grab driver. Sumunod naman ang Grab driver at isinakay ang dalawang Chinese na pumara sa kaniya, sa pag-aakalang ito ang tinutukoy na mga kaibigang kukuha sa bag. Ngunit laking pagtataka ni Martin nang hindi kunin ng dalawang Chinese ang bag na ipinagkatiwala sa kaniya.

Dito na napagtanto ni Martin na nagkamali pala sa booking ang babaeng dayuhang customer.

Natakot umano si Martin na baka may ilegal na bagay na nakalagay sa bag kaya naisipan na niyang humingi ng tulong sa kaniyang kaibigang pulis. Iminungkahi nitong ilagay ang bag sa Manila Police District.

Pagdating sa pulisya ay tamang-tamang naroon na ang babaeng nakaiwan ng pera, na napaiyak daw nang makita siya.

Tuwang-tuwa naman ang ina ni Martin sa ipinakitang katapatan ng kaniyang anak na Grab driver.