Matapos ang pitong taong pag-ere at pamamayagpag sa Primetime, pormal at opisyal nang inanunsyo nitong Biyernes, Hulyo 22, ng mismong bida at isa sa mga direktor nitong si Coco Martin, na magtatapos na ang longest-running teleserye na "FPJ's Ang Probinsyano".
Nasa huling tatlong linggo na lamang ang serye at magtatapos na sa Agosto. Kasunod nito, tuluyan namang lilipad sa ere ang "Mars Ravelo's Darna" na pinagbibidahan ni Jane De Leon.
"Malungkot man na tayo ay maghihiwalay pero walang hanggang pagpapasalamat ang aming nararamdaman. Nagbago man ang mundo, nariyan pa rin kayo. Kahit man po matapos ang teleseryeng ito, hinding-hindi po matatapos ang pagmamahal namin sa inyo. Kaya kapit lang sa huling tatlong linggo. Ito po ang "FPJ's Ang Probinsyano: Ang Pambansang Pagtatapos," saad ni Coco.
Samantala, marami naman ang nakapansing tila magkakaroon ng "People Power Revolution" sa pagpapatalsik kay First Lady Lily Hidalgo (Lorna Tolentino) at sa kaniyang puppet na Bise Presidente matapos mahayag na buhay pa ang tunay na Pangulo ng bansa sa kuwento, na si Oscar Hidalgo (Rowell Santiago).
Ayon sa mga netizen, ito raw ang tila tatapat sa pelikulang "Maid in Malacañang" na tungkol naman sa 72 oras ng pamilya Marcos sa Palasyo, bago maganap ang pagpapatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution.